Genesis 3

3
Nagkasala ang Lalaki at Babae
1Sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Diyos, ang ahas ang pinakatuso. Minsan, tinanong ng ahas ang babae, “Totoo bang pinagbabawalan kayo ng Diyos na kumain ng bunga ng alinmang puno sa halamanan?”
2Sumagot ang babae, “Makakain namin ang kahit anong bunga ng puno rito sa halamanan, 3maliban lang sa bunga ng puno na nasa gitna ng halamanan. Sapagkat sinabi ng Diyos na hindi kami dapat kumain o humipo man lang ng bunga ng punong iyon. Kapag ginawa namin iyon, mamamatay kami.”
4Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoong mamamatay kayo! 5Sinabi iyan ng Diyos dahil alam niya na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang mga isip ninyo, at magiging katulad niya kayo na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.”
6Nang pagmasdan ng babae ang puno, napakaganda nitong tingnan at ang bunga nito ay nakakatakam. At dahil sa pagnanais niyang maging marunong, pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain din ito. 7Pagkatapos nilang kumain, nalaman nila kung ano ang mabuti at ang masama, at napansin nila na hubad pala sila. Kaya pinagtagni-tagni nila ang mga dahon ng puno ng igos upang ipantakip sa kanilang katawan.
8Nang lumamig na ang hangin bandang hapon, narinig nila na naglalakad ang Panginoong Diyos sa halamanan. Kaya nagtago sila sa mga puno doon upang hindi sila makita. 9Ngunit tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki, “Nasaan ka?”
10Sumagot ang lalaki, “Narinig ko po kayo sa halamanan, kaya nagtago ako. Natatakot po ako dahil hubad ako.”
11Nagtanong ang Panginoong Diyos, “Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka? Kumain ka ba ng bunga ng punongkahoy na sinabi ko sa iyo na huwag ninyong kakainin?”
12Sumagot ang lalaki, “Ang babae po kasi na ibinigay nʼyo sa akin ay binigyan ako ng bunga ng punongkahoy na iyon at kinain ko.”
13Tinanong ng Panginoong Diyos ang babae, “Bakit mo ginawa iyon?”
Sumagot ang babae, “Nilinlang po kasi ako ng ahas, kaya kumain po ako.”
14Kaya sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito, parurusahan kita.
Sa lahat ng hayop,
ikaw lang ang makakaranas ng sumpang ito:
Sa buong buhay moʼy
gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan
at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok.
15Ikaw at ang babae ay mag-aaway.
Ang lahi mo at ang lahi niya#3:15 lahi: O mga lahi. ay mag-aaway din.
Dudurugin niya ang ulo mo
at tutuklawin mo ang sakong niya.”
16Sinabi rin niya sa babae,
“Dahil sa ginawa mo, dadagdagan ko ang paghihirap mo sa pagbubuntis
at mararamdaman mo ang sobrang sakit sa iyong panganganak.
Ngunit sa kabila niyan, hahangarin mo pa rin ang iyong asawa
at maghahari siya sa iyo.”#3:16 hahangarin … sa iyo: O susubukan mong maghari sa iyong asawa, ngunit maghahari siya sa iyo.
17Sinabi rin niya sa lalaki, “Dahil naniwala ka sa asawa mo at kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal ko sa inyo:
Susumpain ko ang lupa!
Kaya sa buong buhay mo
ay magpapakahirap ka nang husto upang makakain.
18Tutubo sa lupa ang mga damo at halamang may tinik.
Ang kakainin moʼy manggagaling sa mga pananim sa bukid.
19Kinakailangang magpakahirap ka nang husto upang makakain,
hanggang sa bumalik ka sa lupa na iyong pinagmulan.
Dahil sa lupa ka nagmula,
sa lupa ka rin babalik.”
20Ang pangalan ng lalaki ay Adan#3:20 Adan: Ang ibig sabihin, lalaki o tao., at pinangalanan niya ang asawa niya na Eva#3:20 Eva: Sa Hebreo, ang pangalang ito ay hawig ng salitang nabubuhay. dahil siya ang magiging ina ng lahat ng tao.
21Pagkatapos, gumawa ang Panginoong Diyos ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito.
22Sinabi ng Panginoong Diyos, “Ang tao ay naging katulad na natin na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama. Kinakailangang hindi siya pahintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay, dahil kung kakain siya, mananatili siyang buháy magpakailanman.” 23Kaya pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden para sakahin ang lupa na pinagmulan niya. 24Nang mapaalis na ng Panginoong Diyos ang tao, naglagay siya ng mga kerubin#3:24 kerubin: Isang uri ng anghel. sa bandang silangan ng halamanan ng Eden. At naglagay din siya ng espada na naglalagablab at umiikot upang walang makalapit sa puno na nagbibigay ng buhay.

Markert nå:

Genesis 3: ASD

Marker

Del

Kopier

None

Vil du ha høydepunktene lagret på alle enhetene dine? Registrer deg eller logg på