JUAN 13
13
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad
1Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan.
2Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya.
3Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos.
4Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili.
5Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya.
6Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?”
7Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito.”
8Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman.” Sinagot siya ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.”
9Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo.”
10Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat.
11Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malilinis.”
12Kaya#Lu. 22:27 nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?
13Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga.
14Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa.
15Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.
16Katotohanang#Mt. 10:24; Lu. 6:40; Jn. 15:20 sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, o ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya.
17Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin.
18Hindi#Awit 41:9 ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit ito ay upang matupad ang kasulatan, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay nagtaas ng kanyang sakong laban sa akin.’
19Sinasabi ko na sa inyo ngayon bago ito mangyari, upang kapag ito ay nangyari ay maniwala kayo na Ako Nga.
20Katotohanang#Mt. 10:40; Mc. 9:37; Lu. 9:48; 10:16 sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumatanggap sa aking sinugo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap siya na nagsugo sa akin.”
Hinulaan ni Jesus ang Pagkakanulo sa Kanya
(Mt. 26:20-25; Mc. 14:17-21; Lu. 22:21-23)
21Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito, siya'y nabagabag sa espiritu, at nagpatotoo, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.”
22Ang mga alagad ay nagtinginan sa isa't isa na hindi tiyak kung sino ang tinutukoy niya.
23Isa sa kanyang mga alagad, na minamahal ni Jesus, ang nakahilig malapit kay Jesus.
24Hinudyatan siya ni Simon Pedro upang itanong kay Jesus kung sino ang tinutukoy niya.
25Kaya't yamang nakahilig malapit kay Jesus ay sinabi sa kanya, “Panginoon, sino ba iyon?”
26Sumagot si Jesus, “Siya iyong aking bibigyan ng tinapay pagkatapos na maisawsaw ko ito.” Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote.#13:26 Sa ibang mga kasulatan ay Judas Iscariote na anak ni Simon.
27Pagkatapos na matanggap ang kapirasong tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Gawin mong mabilis ang iyong gagawin.”
28Hindi nalalaman ng sinumang nasa hapag ang dahilan kung bakit niya sinabi ang mga ito sa kanya.
29Iniisip ng ilan na sapagkat si Judas ang may hawak ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kanya, “Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista,” o, magbigay siya ng anuman sa mga dukha.
30Kaya't pagkatapos tanggapin ang tinapay ay nagmamadali siyang lumabas. Noon ay gabi na.
Ang Bagong Utos
31Nang siya'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, “Ngayon ay niluwalhati ang Anak ng Tao, at ang Diyos ay niluwalhati sa kanya;
32kung ang Diyos ay niluwalhati sa kanya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa kanya, at luluwalhatiin siya kaagad.
33Maliliit#Jn. 7:34 na mga anak, makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin. At gaya ng sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko sa inyo ngayon, ‘Sa pupuntahan ko, ay hindi kayo makakapunta.’
34Isang#Jn. 15:12, 17; 1 Jn. 3:23; 2 Jn. 5 bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y magmahalan sa isa't isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa't isa.
35Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa.”
Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro
(Mt. 26:31-35; Mc. 14:27-31; Lu. 22:31-34)
36Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko ay hindi ka makakasunod sa akin ngayon; ngunit pagkatapos ay makakasunod ka.”
37Sinabi sa kanya ni Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako makakasunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko para sa iyo.”
38Sumagot si Jesus, “Ang buhay mo ba'y ibibigay mo dahil sa akin? Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok, hanggang ipagkaila mo ako ng tatlong beses.
Právě zvoleno:
JUAN 13: ABTAG01
Zvýraznění
Sdílet
Kopírovat
Chceš mít své zvýrazněné verše uložené na všech zařízeních? Zaregistruj se nebo se přihlas
©Philippine Bible Society, 2001