DEUTERONOMIO 28:1-12
DEUTERONOMIO 28:1-12 ABTAG01
“Kung susundin mo ang tinig ng PANGINOON mong Diyos at maingat mong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, itataas ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng mga bansa sa lupa; at ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong susundin ang tinig ng PANGINOON mong Diyos. Magiging mapalad ka sa lunsod, at magiging mapalad ka sa parang. Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, ang bunga ng iyong lupa, ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan. Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong masahan ng harina. Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok at magiging mapalad ka sa iyong paglabas. “Tatalunin ng PANGINOON sa harapan mo ang iyong mga kaaway na babangon laban sa iyo; sila'y lalabas laban sa iyo sa isang landas at tatakas sa harapan mo sa pitong landas. Igagawad sa iyo ng PANGINOON ang kanyang pagpapala sa iyong mga kamalig at sa lahat ng iyong gagawin at pagpapalain ka niya sa lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. Itatatag ka ng PANGINOON na isang banal na bayan para sa kanya, gaya ng kanyang ipinangako sa iyo, kung iyong gaganapin ang mga utos ng PANGINOON mong Diyos, at lalakad ka sa kanyang mga daan. Makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng PANGINOON at sila'y matatakot sa iyo. Ikaw ay pasasaganain ng PANGINOON sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupaing ipinangako ng PANGINOON sa iyong mga ninuno upang ibigay sa iyo. Bubuksan ng PANGINOON para sa iyo ang kanyang kamalig na punung-puno, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang pagpalain ang lahat mong ginagawa. Ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram.





