Lucas 8:40-56
Lucas 8:40-56 MBB05
Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila. Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay, sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taóng gulang na ay naghihingalo. Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao. Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. Naubos na ang kanyang kabuhayan dahil sa pagpapagamot. Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo. Nagtanong si Jesus, “Sino ang humawak sa damit ko?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!” Ngunit sinabi ni Jesus, “May humawak sa damit ko! Naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” Nang malaman ng babae na hindi pala maililihim ang kanyang ginawa, siya'y nanginginig na lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon kung bakit niya hinawakan ang damit ni Jesus, at kung paanong siya'y agad na gumaling. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Makakauwi ka na.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang isang lalaking galing sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak!” sabi niya kay Jairo. “Huwag na po ninyong abalahin ang Guro.” Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag ka nang mag-alala. Manalig ka lamang at siya'y gagaling.” Pagdating sa bahay, wala siyang isinama sa loob kundi sina Pedro, Juan at Santiago, at ang mga magulang ng dalagita. Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang patay. Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang.” Kinutya nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, “Ineng, bumangon ka.” Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y bumangon. Pagkatapos, pinabigyan agad siya ni Jesus ng pagkain. Gulat na gulat naman ang mga magulang ng bata, ngunit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang pangyayaring ito.