YouVersion Logo
Search Icon

Mga Taga-Filipos 2

2
Ang Pagpapakumbaba ni Kristo
1Hindi baʼt masigla kayo dahil nakay Kristo kayo? Hindi baʼt masaya kayo dahil alam ninyong mahal niya kayo? Hindi baʼt may mabuti kayong pagsasamahan dahil sa Espiritu? At hindi baʼt may malasakit at pang-unawa kayo sa isaʼt isa? 2Kung ganoon, nakikiusap ako na lubusin na ninyo ang kagalakan ko: Magkasundo kayoʼt magmahalan, at magkaisa sa isip at layunin. 3Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isaʼt isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. 4Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin ninyo kundi ang kapakanan din ng iba.
5Magkaroon nawa kayo ng kaisipang katulad ng kay Kristo Hesus:
6Bagamaʼt siya ay Diyos,
hindi niya itinuring ang pagiging kapantay ng Diyos
bilang isang bagay na dapat panghawakan.
7Sa halip, ibinaba niya nang lubusan ang kanyang sarili
sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin.
Naging tao siyang tulad natin.
8At sa pagiging tao niya,
nagpakumbaba siya at naging masunurin sa Diyos hanggang sa kamatayan,
maging sa kamatayan sa krus.
9Kaya naman itinaas siyang lubos ng Diyos
at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan,
10upang sa pangalan ni Hesus, luluhod at magpupuri
ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa.
11At ipapahayag ng lahat na si Hesu-Kristo ang Panginoon,
sa ikapupuri ng Diyos Ama.
Magsilbi Kayong Ilaw na Nagliliwanag
12Mga minamahal, kung paanong palagi ninyo akong sinusunod noong magkakasama pa tayo, mas lalo sana kayong maging masunurin kahit ngayong malayo na ako sa inyo. Sikapin ninyong ipamuhay#2:12 ipamuhay: O maging lubos. ang kaligtasang tinanggap ninyo nang may takot at paggalang sa Diyos. 13Sapagkat ang Diyos ang siyang kumikilos sa inyo upang magkaroon kayo ng pagnanais at kakayahang masunod ang kalooban niya.
14Gawin ninyo ang lahat nang walang reklamo o pagtatalo, 15upang maging malinis kayo at walang kapintasang mga anak ng Diyos sa gitna ng suwail at baluktot na henerasyon. Kailangang magsilbi kayong ilaw na nagliliwanag sa kanila 16habang pinaninindigan ninyo#2:16 habang pinaninindigan ninyo: O dahil ibinibigay ninyo sa kanila. ang salitang nagbibigay-buhay. At kung gagawin ninyo ito, may maipagmamalaki ako sa pagbabalik ni Kristo, dahil alam kong hindi nasayang ang pagsisikap ko sa inyo. 17Ang paglilingkod ninyo na bunga ng inyong pananampalataya ay tulad sa isang handog. At kung kinakailangang ibuhos ko ang aking dugo#2:17 ibuhos ko ang aking dugo: Ang ibig sabihin, “ialay ko ang aking buhay.” sa handog na ito, maligaya pa rin ako at makikigalak sa inyo. 18At dapat maligaya rin kayo at makigalak sa akin.
Si Timoteo at si Epafroditus
19Umaasa ako sa Panginoong Hesus na mapapapunta ko diyan si Timoteo sa lalong madaling panahon, upang masiyahan naman ako kapag naibalita niya ang tungkol sa inyo. 20Siya lang ang kilala ko na katulad kong nagmamalasakit sa inyo nang totoo. 21Ang ibaʼy walang ibang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan, halip na ang mga bagay ukol kay Hesu-Kristo. 22Ngunit alam ninyo kung paano pinatunayan ni Timoteo ang kanyang sarili. Para ko siyang tunay na anak sa pagtulong niya sa akin sa pangangaral ng Magandang Balita. 23Binabalak kong papuntahin siya sa inyo kapag nalaman ko na ang magiging hatol sa akin dito. 24At umaasa ako sa Panginoon na ako mismo ay makakapunta sa inyo sa lalong madaling panahon.
25Sa ngayon, naisip kong kailangan nang pabalikin ang kapatid nating si Epafrodito na pinapunta ninyo rito para tulungan ako. Tulad ko rin siyang manggagawa at kapwa kawal ng Diyos. 26Sapagkat, sabik na sabik na siyang makita kayo, at hindi siya mapalagay dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27Totoo ngang nagkasakit siya, at muntik nang mamatay. Ngunit naawa ang Diyos sa kanya at maging sa akin, upang hindi madagdagan ang aking kalungkutan. 28Kaya gusto ko na siyang pabalikin para matuwa kayo kapag nakita na ninyo ulit siya, at hindi na rin ako mag-aalala. 29Kaya tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang kapatid sa Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya, 30dahil nalagay sa panganib ang buhay niya para sa gawain ni Kristo. Itinaya niya ang buhay niya upang matulungan ako bilang kinatawan ninyo.

Currently Selected:

Mga Taga-Filipos 2: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in