Leviticus 24
24
Ang mga Ilaw at mga Tinapay sa Loob ng Toldang Tipanan
(Exo. 27:20-21)
1-4Sinabi ng Panginoon kay Moises na iutos ito sa mga Israelita:
Magdala kayo ng purong langis mula sa pinigang olibo para sa ilaw na nasa labas ng kwarto kung saan nakalagay ang Kahon ng Kasunduan doon sa Toldang Tipanan, para patuloy itong magningas sa presensya ng Panginoon. Sisindihan ito ni Aaron tuwing takip-silim at patuloy na pagniningasin hanggang sa umaga. Dapat tiyakin na laging nagniningas ang mga ilaw sa patungang ginto nito. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
Ang mga Tinapay na Inihahandog sa Presensya ng Dios
5Magluto kayo ng 12 pirasong tinapay, na ang bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina. 6Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa mesang ginto sa presensya ng Panginoon. Ihanay ninyo ito ng dalawang hanay, tig-anim ang bawat hanay. 7Lagyan ninyo ng purong insenso ang gilid#24:7 gilid: o, itaas. ng bawat hanay. Ang insenso ang siyang magsisilbing handog para alalahanin ang Panginoon. Susunugin ito bilang handog sa pamamagitan ng apoy sa halip na ang tinapay. 8Dapat laging maglagay ng tinapay sa presensya ng Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga. Itoʼy tungkulin ninyong mga Israelita magpakailanman. 9Ang mga tinapay na itoʼy para kay Aaron at sa kanyang angkan. Kakainin nila ito sa banal na lugar doon sa Tolda, dahil ito ang pinakabanal na bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, at itoʼy para sa kanila magpakailanman.
Ang Parusa sa Panlalait sa Dios at Pamiminsala sa Kapwa
10-11May isang tao noon na ang ama ay isang Egipcio at ang ina ay Israelita. (Ang pangalan ng ina niya ay si Shelomit na anak ni Dibri na mula sa lahi ni Dan). Siyaʼy nakipag-away sa isang Israelita roon sa kampo, at nilapastangan niya ang pangalan ng Panginoon. Kaya dinala nila siya kay Moises, 12at ikinulong nila siya hanggang sa malaman nila kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin sa kanya.
13Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Moises, 14“Dalhin ninyo sa labas ng kampo ang taong iyon na lumapastangan sa akin. At ang lahat ng nakarinig ng kanyang paglapastangan ay magpatong ng kanilang mga kamay sa ulo niya bilang patunay na siyaʼy dapat managot, at pagkatapos, babatuhin siya ng buong mamamayan. 15-16At sabihin mo sa mga Israelita na ang sinumang katutubong Israelita o dayuhang naninirahang kasama nila na lalapastangan sa aking pangalan ay mananagot. At dapat siyang batuhin ng lahat hanggang sa mamatay siya.
17“Ang sinumang pumatay ng tao ay dapat ding patayin. 18At ang taong pumatay sa hayop ng kanyang kapwa ay dapat palitan ito. Buhay na hayop ang ipapalit niya sa pinatay na hayop. 19-20Kapag sinaktan ng sinuman ang kanyang kapwa, kailangang saktan din siya katulad ng ginawa niya. Kung binali niya ang buto ng iba, babaliin din ang buto niya, kung dinukot niya ang mata ng iba, dudukutin din ang mata niya, at kung binungi niya ang ngipin ng iba, bubungiin din ang ngipin niya. 21Ang sinumang makapatay ng hayop ng iba ay dapat niya itong palitan, ngunit ang makapatay ng tao ay dapat ding patayin. 22Ang mga utos na itoʼy para sa inyong lahat, katutubong Israelita man o dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”
23Pagkatapos itong sabihin ni Moises sa mga Israelita, dinala nila ang taong iyon na lumapastangan sa Dios doon sa labas ng kampo at binato ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Currently Selected:
Leviticus 24: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.