YouVersion Logo
Search Icon

Deuteronomio 17

17
1Huwag kayong maghahandog sa Panginoon na inyong Diyos ng baka o tupa na may kapintasan o kapansanan, dahil kasuklam-suklam ito sa Panginoon.
2Kung ang isang lalaki o babae na naninirahan sa isa sa mga bayan na ibinibigay ng Panginoon ay nahuling gumagawa ng masama sa paningin ng Panginoon na inyong Diyos, sinira niya ang kasunduan sa Panginoon 3at sumuway sa pamamagitan ng pagsamba sa ibang mga diyos o sa araw o sa buwan o sa mga bituin; 4kapag narinig ninyo ito, kailangang imbestigahan ninyo ito nang mabuti. Kung totoo ngang ginawa sa Israel ang kasuklam-suklam na bagay na ito, 5dalhin ninyo ang taong gumawa ng masama sa pintuan ng lungsod at batuhin hanggang sa mamatay. 6Maaari lamang patayin ang tao kapag napatunayang nagkasala siya sa pamamagitan ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi, subalit kung iisa lang ang saksi, hindi siya maaaring patayin. 7Ang mga saksi ang unang babato sa taong nagkasala, at susunod na babato ang lahat ng tao. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
8Kung may mga kaso sa korte ninyo tungkol sa pagpatay, pag-aaway o pananakit na mahirap bigyan ng desisyon; ang gawin ninyo, dalhin ninyo ang kasong ito sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Diyos 9kung saan ang mga pari na mga Levita at ang mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon ang magdedesisyon sa kaso. 10Kailangang tanggapin ninyo ang kanilang desisyon doon sa lugar na pinili ng Panginoon. Sundin ninyong mabuti ang lahat ng sinabi nila sa inyo. 11Kung anuman ang kanilang napagdesisyunan ayon sa kautusan, dapat ninyo itong sundin. Huwag ninyong susuwayin ang sinabi nila sa inyo. 12Ang taong hindi tatanggap sa desisyon ng hukom o ng pari na naglilingkod sa Panginoon na inyong Diyos ay dapat patayin. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa bansang Israel. 13Kapag narinig ito ng lahat ng tao, matatakot sila at hindi na muling gagawa ng bagay na iyon.
Ang mga Hari
14Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Diyos at maangkin na ninyo iyon at doon na kayo manirahan, sasabihin ninyo, “Pumili tayo ng hari na mamumuno sa atin katulad ng mga bansa sa palibot natin.” 15Siguraduhin ninyo na ang pipiliin ninyong hari ay ang pinili rin ng Panginoon na inyong Diyos, at kailangang katulad ninyo siyang Israelita. Huwag kayong pipili ng dayuhan. 16Hindi dapat mag-ipon ng maraming kabayo ang hari ninyo, at hindi niya dapat pabalikin sa Ehipto ang mga tauhan niya para bumili ng mga kabayo, dahil sinabi ng Panginoong Diyos sa inyo na huwag na kayong babalik doon. 17Hindi siya dapat magkaroon ng maraming asawa dahil baka tumalikod siya sa Panginoon. At hindi dapat siya nagmamay-ari ng maraming pilak at ginto.
18Kung uupo na siya sa trono bilang hari, kailangan niyang kopyahin at isulat ang mga kautusang ito para sa kanyang sarili sa harapan ng mga pari na mga Levita. 19Dapat niya itong ingatan at laging basahin sa buong buhay niya para matuto siyang gumalang sa Panginoon na kanyang Diyos, at masunod niya nang mabuti ang lahat ng sinasabi ng mga kautusan at mga tuntunin. 20Sa pamamagitan din ng laging pagbabasa nito, makakaiwas siya sa pagyayabang sa kapwa niya Israelita, at makakaiwas siya sa pagsuway sa mga utos ng Panginoon. Kung susundin niyang lahat ito, maghahari siya at ang kanyang angkan nang matagal sa Israel.

Currently Selected:

Deuteronomio 17: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in