2 Mga Taga-Corinto 5:1-10
2 Mga Taga-Corinto 5:1-10 ASD
Sapagkat alam nating kapag masisira ang toldang tinitirhan natin dito sa lupa, ang ating katawang panlupa, may bahay naman tayo sa langit na ginawa mismo ng Diyos at hindi ng tao. Ito ang ating katawang panlangit na hindi masisira magpakailanman. Samantala, dumaraing tayo ngayon sa ating katawang panlupa at nananabik madamitan ng ating katawang panlangit. Sapagkat kapag nadamitan tayo nito, hindi tayo matatagpuang hubad. Habang gamit pa natin ang ating katawang panlupa, dumadaing tayo at nahihirapan, hindi dahil sa gusto na nating mamatay kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan. Sa ganitong paraan, mapapalitan na ang katawan nating namamatay ng hindi namamatay. Ang Diyos na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. Kaya panatag ang aming kalooban, kahit na alam naming habang nabubuhay pa tayo sa ating katawan ay wala pa tayo sa tahanan ng Panginoon. Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita. Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon. Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Diyos sa amin, maging dito man o sa piling na niya. Sapagkat haharap tayong lahat kay Kristo upang hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.





