2 Mga Cronica 2
2
Ang Paghahanda sa Pagpapatayo ng Templo
(1~Hari 5:1‑18)
1Nag-utos si Solomon na magtayo ng Templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon, at ng palasyo para sa kanyang sarili. 2Nagpatawag siya ng pitumpung libong lalaking tagahakot, walumpung libong lalaking tagatabas ng mga bato sa mababang bahagi ng bundok, at tatlong libo at animnaraang kapatas.
3Nagpadala si Solomon ng ganitong mensahe kay Haring Hiram#2:3 Hiram: O Huram. ng Tiro:
“Padalhan mo ako ng mga kahoy na sedro gaya ng ipinadala mo sa aking amang si David nang nagpatayo siya ng palasyo niya. 4Magpapatayo ako ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Diyos. Magiging banal ang lugar na ito na pinagsusunugan ng mabangong insenso, pinaghahandugan ng tinapay, at pinag-aalayan ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at gabi at sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa iba pang mga pista sa pagpaparangal sa Panginoon na aming Diyos. Ipinatutupad ang tuntuning ito sa lahat ng mga Israelita magpakailanman.
5“Napakalaki ng Templo na itatayo ko dahil mas makapangyarihan ang aming Diyos kaysa sa ibang mga diyos. 6Ngunit sino nga ba ang makakapagpatayo ng Templo para sa kanya? Ang langit, kahit ang pinakamataas na langit, ay hindi sapat para sa kanya. Kaya sino naman ako para magpatayo ng Templo para sa kanya? Ang maipatatayo ko lang ay isang lugar na pagsusunugan ng mga handog sa harapan niya.
7“Kaya ngayon, padalhan mo ako ng taong mahusay sa mga ginto, pilak, tansoʼt bakal, at mahusay gumawa ng telang kulay ube, pula at asul, at mahuhusay na mang-uukit. Gagawa siya kasama ng aking mahuhusay na manggagawang taga-Juda at taga-Jerusalem, na pinili ng aking amang si David.
8“Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres at algum mula sa Lebanon, dahil alam kong mahusay ang mga tauhan mo sa pagputol ng kahoy. Tutulong ang mga tauhan ko sa mga tauhan mo 9sa paghahanda ng maraming kahoy, dahil malaki at maganda ang Templong itatayo ko. 10Babayaran ko ang iyong mga tagaputol ng kahoy ng isandaang libong takal ng trigo, isandaang libong takal ng sebada, 110,000 galon ng alak at 110,000 galon ng langis ng olibo.”
11Ito ang sulat na isinagot ni Haring Hiram ng Tiro kay Solomon:
“Dahil iniibig ng Panginoon ang kanyang bayan, ginawa ka niyang hari nila. 12Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel na gumawa ng langit at lupa! Binigyan niya si Haring David ng matalinong anak na puno ng kaalaman at pang-unawa, na magtatayo ng Templo para sa Panginoon at ng palasyo para sa kanyang sarili.
13“Ipapadala ko sa iyo si Huram-abi na isang mahusay na manggagawa. 14Ang kanyang ina ay mula sa Dan at ang kanyang amaʼy mula sa Tiro. Dalubhasa siya sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa paggawa ng telang kulay ube,#2:14 telang kulay ube: O sinulid. pula at asul, at pinong lino. Dalubhasa siya sa kahit anong uri ng pag-ukit, at makakagawa siya ng anumang uri ng disenyo na ipapagawa mo sa kanya. Gagawa siya kasama ng iyong manggagawa at ng mga manggagawa na pinili ng kagalang-galang#2:14 kagalang-galang: Sa literal, panginoon. Ganito rin sa talata 15|2CH 2:15. na si David, na iyong ama.
15“Kaya ngayon, ipadala ninyo sa amin ang trigo, sebada, alak at langis ng olibo na inyong ipinangako, 16at ipapaputol na rin namin ang maraming kahoy na kailangan ninyo mula sa Lebanon. Pagkatapos, idudugtong namin na parang balsa at palulutangin sa dagat papunta sa Joppa. At kayo na ang magdadala nito sa Jerusalem.”
17Sinensus ni Solomon ang lahat ng dayuhang nakatira sa Israel katulad ng ginawa ni David na kanyang ama, at ang bilang ay 153,600. 18Ginawa niya ang pitumpung libo sa kanila na tagahakot, walumpung libo na tagatabas ng bato sa mababang bahagi ng bundok, at ang 3,600 bilang kapatas na mamamahala sa mga manggagawa.
Currently Selected:
2 Mga Cronica 2: ASD
Highlight
Share
Copy

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.