Genesis 8
8
Ang Pagbaba ng Baha
1Hindi kinalimutan ng Diyos si Noe at ang mga kasama niyang hayop sa loob ng barko. Kaya pinaihip niya ang hangin sa mundo at dahan-dahang bumaba ang tubig. 2Tinakpan niya ang mga bukal at pinahinto ang ulan. 3Patuloy ang pagbaba ng tubig sa loob ng 150 araw, 4at sa ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat. 5Patuloy ang pagbaba ng tubig. At nang unang araw ng ikasampung buwan, nakikita na ang tuktok ng mga bundok.
6Pagkalipas ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng barko 7at pinakawalan ang isang uwak. At ang uwak na itoʼy pabalik-balik na lumilipad hanggang sa humupa ang tubig. 8Pinakawalan din ni Noe ang isang kalapati upang malaman niya kung bumaba na ang tubig, 9ngunit walang madapuan ang kalapati dahil natatakpan pa rin ng tubig ang buong mundo. Kaya bumalik na lamang ang kalapati kay Noe sa barko. Pinadapo ni Noe ang kalapati sa kamay niya at pinapasok sa barko. 10Pinalipas muna ni Noe ang pitong araw at muli niyang pinakawalan ang kalapati. 11Gabi na nang bumalik ang kalapati na may dalang sariwang dahon ng olibo sa kanyang tuka. Kaya nalaman ni Noe na bumaba na ang tubig. 12Pinalipas muli ni Noe ang pitong araw pa at muli niyang pinakawalan ang kalapati, ngunit hindi na ito bumalik.
13Noong unang araw ng unang buwan tuluyan nang bumaba ang tubig. Si Noe ay 601 taóng gulang na noon. Binuksan niya ang takip ng barko at nakita niya na tuyo na ang lupa. 14Nang ikadalawampuʼt pitong araw ng ikalawang buwan, tuyong-tuyo na talaga ang lupa sa buong mundo.
15Sinabi ng Diyos kay Noe, 16“Lumabas ka na ng barko. Isama mo ang asawa mo at mga anak pati ang mga manugang mo. 17Palabasin mo rin ang lahat ng hayop upang dumami sila at mangalat sa buong mundo.”
18Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang asawa, mga anak niyang lalaki at mga manugang niya. 19Lumabas din ang lahat ng hayop: mga naglalakad, lumilipad at gumagapang. Magkakasama sila ayon sa kani-kanilang uri.
20Gumawa si Noe ng altar para sa Panginoon. Pagkatapos, kumuha siya ng isa sa bawat uri ng hayop na malinis pati rin sa bawat uri ng mga ibon na malinis, at sinunog niya ito sa altar bilang handog sa Panginoon. 21Naamoy ng Panginoon ang mabangong samyo nito at sinabi sa kanyang sarili, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa ginawa ng tao, kahit alam kong makasalanan ang tao mula pa sa kanyang pagkabata. Hindi ko na talaga muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay katulad ng aking ginawa noon.
22Habang nagpapatuloy ang mundo,
may panahon ng pagtatanim at pag-ani.
May taglamig at may tag-init,
may tag-ulan at may tag-araw
at may araw at may gabi.”
المحددات الحالية:
Genesis 8: ASD
تمييز النص
شارك
نسخ

هل تريد حفظ أبرز أعمالك على جميع أجهزتك؟ قم بالتسجيل أو تسجيل الدخول
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.