Genesis 11

11
Ang Tore ng Babel
1Noon, isang wika lang ang ginagamit ng lahat ng tao sa buong mundo. 2Habang lumilipat ng tirahan ang mga tao patungo sa silangan, nakarating sila sa isang patag na lugar sa Sinar, at doon sila nanirahan.
3Ngayon, sinabi ng mga tao sa isaʼt isa, “Gumawa tayo ng tisa at lutuin nating mabuti hanggang tumigas ito.” Tisa ang ginamit nila sa halip na bato at aspalto naman ang ginamit bilang semento. 4Dagdag pa nila, “Halikayo, magtayo tayo ng isang lungsod na may toreng aabot sa langit, upang tayoʼy maging tanyag at hindi magkawatak-watak sa buong daigdig.”
5Ngayon, bumaba ang Panginoon upang tingnan ang pagtatayo ng mga tao ng lungsod at tore. 6Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong ito ay nagkakaisa at may isang wika lang. At ang ginagawa nilang ito ay simula pa lamang ng mga binabalak pa nilang gawin. Hindi magtatagal, gagawin nila ang kahit anong gusto nilang gawin. 7Kaya bumaba tayo. Pag-iba-ibahin natin ang wika nila upang hindi sila magkaintindihan.”
8Kaya ikinalat sila ng Panginoon sa buong mundo, at nahinto ang pagtatayo nila ng lungsod. 9Ang lungsod na ito ay tinawag na Babel#11:9 Babel: O Babilonia. Maaaring ang ibig sabihin ay ginulo. dahil doon pinag-iba-iba ng Panginoon ang wika ng mga tao, at mula roon ay pinangalat niya sila sa buong mundo.
Ang mga Lahi ni Shem hanggang kay Abram
(1~Cro. 1:24‑27)
10Ito ang salaysay tungkol sa mga lahi ni Shem.
Dalawang taon pagkatapos ng baha, isangdaang taóng gulang na noon si Shem, nang isilang ang anak niyang lalaki na si Arfaxad. 11Matapos isilang si Arfaxad, nabuhay pa si Shem ng limandaang taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
12Nang tatlumpuʼt limang taóng gulang na si Arfaxad, isinilang ang anak niyang lalaki na si Shela. 13Matapos isilang si Shela, nabuhay pa si Arfaxad ng 403 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
14Nang tatlumpung taóng gulang na si Shela, isinilang ang anak niyang lalaki na si Heber. 15Matapos isilang si Heber, nabuhay pa si Shela ng 403 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
16Nang tatlumpuʼt apat na taóng gulang na si Heber, isinilang ang anak niyang lalaki na si Peleg. 17Matapos isilang si Peleg, nabuhay pa si Heber ng 430 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
18Nang tatlumpung taóng gulang na si Peleg, isinilang ang anak niyang lalaki na si Reu. 19Matapos isilang si Reu, nabuhay pa si Peleg ng 209 na taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
20Nang tatlumpuʼt dalawang taóng gulang na si Reu, isinilang ang anak niyang lalaki na si Serug. 21Matapos isilang si Serug, nabuhay pa si Reu ng 207 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
22Nang tatlumpung taóng gulang na si Serug, isinilang ang anak niyang lalaki na si Nahor. 23Matapos isilang si Nahor, nabuhay pa si Serug ng dalawandaang taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
24Nang dalawampuʼt siyam na taóng gulang na si Nahor, isinilang ang anak niyang lalaki na si Tera. 25Matapos isilang si Tera, nabuhay pa si Nahor ng 119 na taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
26Nang pitumpung taóng gulang na si Tera, isinilang ang mga anak niyang lalaki na sina Abram, Nahor at Haran.
Ang mga Lahi ni Tera
27Ito ang salaysay tungkol sa lahi ni Tera.
Si Tera ang ama nina Abram, Nahor at Haran. Si Haran ang ama ni Lot. 28Namatay si Haran doon sa Ur na sakop ng mga Caldeo#11:28 Caldeo: Mga taong nakatira noon sa timog ng Babilonia na kalaunan ay naging tawag sa mga taga-Babilonia., sa lugar mismo kung saan siya isinilang. Namatay siya habang buháy pa ang kanyang amang si Tera. 29Naging asawa ni Abram si Sarai, at si Nahor ay naging asawa ni Milca. Ang ama ni Milca at ng kapatid niyang si Isca ay si Haran. 30Si Sarai ay hindi magkaanak dahil siyaʼy baog.
31Umalis si Tera sa Ur na sakop ng mga Caldeo. Kasama niya ang anak niyang si Abram, ang kanyang manugang na si Sarai, at ang apo niyang si Lot na anak ni Haran. Papunta sana sila sa Canaan, ngunit pagdating nila sa Haran doon na lamang sila tumira.
32Doon namatay si Tera sa edad na 205.#11:32 205: Sa ibang mga naunang teksto, 145.

المحددات الحالية:

Genesis 11: ASD

تمييز النص

شارك

نسخ

None

هل تريد حفظ أبرز أعمالك على جميع أجهزتك؟ قم بالتسجيل أو تسجيل الدخول